Biyernes, Marso 16, 2012

Mga Teoryang Pampanitiikan (Pat V. Villafuerte and Rolando Bernales))


Mga Pagdulog at Teoryang Pampanitikan: Batayan ng Paglinang ng HOTS sa Pagtuturo/Pagsusuri ng mga Akdang Pampanitikan

Humanismo
            Maaaring ilapat ang Humanismo sa maraming paniniwala, pamamaraan at pilosopiyang nagbibigay-tugon sa kalagayan at karanasan ng tao. Sa lawak ng mapaglalapatan ng humanismo, mapapangkat ito sa tatlo: humanismo bilang klasismo, modernong humanismo at humanismong umiinog sa tao.
            Nagmula sa Latin ang salitang Humanismo na nagpapahiwatig ng mga “di-siyentipikong” larangan ng pag-aaral tulad ng wika, panitikan, retorika, pilosopiya, sining at iba pa.
            Ayon sa ibang histoyador, ang humanismo ay maaaring ituring na “pagbabalik sa Klasismo” lalo na yaong akdang sining noong panahon ng Renasimyento (renaissance). Sa ganitong klasipikasyon kabilang sina San Agustin at Alcuin. Mga moderno o makabagong humanista naman sina Irving Babbit at Paul Elmer More ng ikadalawampung siglo.
Sa Inglatera, nariyan sina Sir Thomas More, Sir Thomas Elliot at Roger Ascham at ang makatang sina Sir Philip Sidney at William Shakespeare. Sa Persya, maituturing na humanistic sina Robert Gaguini, Jacques Leferde d’ Etaples at Guillaume Bude. Sa Italya, nariyan sina Francesco Petrarca, Giovanni Boccaccio, Coluccio Salutati at Leonardo Bruni.
Ang batayang premis ng Humanismo ay nagsasabi na ang tao ay rasyunal na nilalang na may kakayahang maging makatotohanan at mabuti. Sa pilosopiya, ang humanismo ay pagpapakita ng atityud na nagbibigay-diin sa dignidad at halaga ng indibidwal. Karaniwang ginagamit ang humanismo para ilarawan ang kilusang panitikan at kultura sa Kanlurang Europa noong ika-14 hanggang ika-15 siglo.
Nagsimula sa Italya ang humanistang kilusan, kung saan malaki ang naiambag ng mga huling medyibal na manunulat gaya nina Dante, Giovanni Boccaccio at Francesco Petrarch sa pagkakatuklas at preserbasyon ng klasikal na akda.
Nagbigay naman ng bagong sigla sa Humanismo ang pagkakatuklas ng paglilimbang noong ika-15 siglo sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga klasikong edisyon.
Malawak ngang masasabi ang tema ng Humanismo. Sa katunayan ay mayroon itong iba’t ibang uri tulad ng literal humanism, secular humanism, religious humanism at iba pa.
Sa pagsusuri ng panitikan ayon sa pananaw na Humanistiko, mainam na tingnan ang mga sumusunod:
a)    pagkatao;
b)    tema ng kwento;
c)    mga pagpapahalagang pantao: moral at etikal ba?
d)    Mga bagay na nakaiimpluwensya sa pagkatao ng tauhan at pamamaraan ng pagbibigay-solusyon sa problema.

Imahismo
            Sa mga unang dalawang dekada ng ika-20 siglo lumalaganap ang Imahismo bilang isang kilusang panulaan sa Estados Unidos at Inglatera. Nagbibigay-pansin sa hanay ng mga salita at simbolismo ang nasabing kilusan.
Ilan sa mga prominenteng pangalan sa kilusang ito ay ang mga makatang Amerikano na sina Ezra Pound, Amy Lowell, John Houlg Fletcher at Hilda Doolittle. Samantala, sa Inglatera naman ay nakilala ang mga manunulat na sina D.H. Lawrence at Richard Aldington. Kasabay ng kanilang paglikha ng mga obra sa ganitong lapit, nagpalaganap din ang kanilang hanay ng mga, amipesto at sanaysay na kumakatawan sa kanilang teorya.
Binibigyang-diin ng Imahismo ang pagpili ng tiyak na mga salita, kalayaan sa pagpili ng mga paksa at porma at ang paggamit ng mga salitang karaniwang ginagamit sa araw-araw. Karamihan sa mga imahismong manunulat ay nagsusulat sa malayang bersyo kaysa sa pormal na may sukat na paraan para magkaroon ng istruktura ang tula.
Ang mga sikat na koleksyon ng mga tula sa Imahismo ay ang Des Imagistes: an Anthology (1914) at ang tatlong antolohiya na binuo ni Amy Lowell, sa ilalim ng titulong Some Imagist Poets.

Romantisismo
Sumibol ang Romantisismo noong bahagi ng siglo 1800 at pagpasok ng siglo 1900. Ibinabandila ng Romantisismo ang indibidwalismo kaysa kolektibismo, ang rebolusyon kaysa konserbatismo, ang inobasyon kaysa tradisyon, imahinasyon kaysa katwiran at likas kaysa pagpipigil. Dahil dito, itinuturing ang Romantisismo bilang isang pagtatakwil sa pagpapahalagang Klasismo tulad ng kaayusan, kapayapaan, pag-uugnay, ideya at rasyunal.
Ilan pang katangian ng Romantisismo ay ang malalim na pagpapahalaga ng kagandahan ng kalikasan; ng pagpapalutang ng damdamin kaysa isipan; ng pagkaabala sa mga henyo, bayani at pambihirang katauhan; ng pagkahirati sa internal na tunggalian; at ng mahiwaga at kababalaghan.
Ang terminong romantiko (“maromantiko”) ay unang lumitaw noong ika-18 siglo na ang ibig sabihin ay nahahawig sa malapantasyang katangian ng midyebal na romansa.
Ang inspirasyon para sa romantikong pamamaraan ay nagmula sa Pranses na pilosopong si Jean Rousseau at sa manunulat na Aleman na si Johan Wolfgang Van Goethe.
Tumagal mula 1750 hanggang 1870 ang Romantisismong kilusan sa literatura sa halos lahat ng bansa: Europa, Estados Unidos at Latin Amerika. Makikita sa panitikan ng panahon ng pagkahilig nito sa imahinasyon at abdyektib na pamamaraan, kalayaan sa pagpapahayag at kalikasan.
Ang literaturang ito ay nagbibigay-diin sa pleksibilidad ng nilalaman, nanghihikayat sa pagbubuo ng kumplikado at mabilis na pangyayari sa mga kwento at pinapayagan ang pagsasanib ng iba’t ibang uri at paksa (halimbawa: trahedya at komedya, kapangitan at inspirasyunal) at malayang estilo.
Masasabing may dalawang uri ang romantisismo: ang tradisyunal at ang rebolusyunaryo. Ang tradisyunal na romantisismo ay humihilig sa makasaysayan at pagpapanatili o pagbabalik sa mga katutubo at tradisyunal na pagpapahalaga tulad ng nasyunalismo, pagkamaginoo at pagka-Kristyano.
Ang rebolusyunaryong romantisismo naman ay bumabaling sa pagtatatag ng bagong kultura na may pagpupumiglas, kapusukan at pagkamakasarili.

Eksistensyalismo
Mahirap bigyan ng eksaktong kahulugan ang Eksistensyalismo dahil may pagkakaiba-iba ng mga posisyong iuugnay rito. Ang terminong ito ay nagpapahayag ng mahalagang paksain: ang kongkretong buhay at pakikihamok ng indibidwal at gayundin, ang usapin ng indibidwal na kalayaan at pagpili.
Ang eksistensyalismo bilang isang pilosopikal na kilusan o tendensiya ay nakaimpluwensya sa maraming mga manunula noong ika-19 at ika-20 siglo.
Ang kalayaang pumili ay kasama ng komitment at responsibilidad. Ayon sa mga eksistensyalismo, dahil ang bawat isa ay may kalayaang pumili, kailangan niyang tanggapin ang panganib at responsibildad sa pagsunod sa kanyang naisin saan man ito patungo.
Marahil ang pinakaprominenteng tema sa isang eksistensyalistikong panulat ay ang pagpili. Ang pinakakaibang katangian ng sangkatauhan, sa pananaw ng mga eksistensyalistiko, ay ang kalayaan nitong pumili.
Ayon sa ika-20 siglong pilosopo na si Jean-Paul Sartre, nauuna ang eksistens bago ang esens. Ang pagpili, kung gayon, ay kailangan sa eksistens ng bawat nilalang at hindi ito matatakasan, maging ang hindi pagpili ay isa pa ring pagpili.
Nakatuon ang Eksistensyalismo sa interpretasyon ng buhay ng tao sa mundo kasama ang mga problemang hatid nito. Sa pananaw na ito, pinaniniwalaang:
a)            Ang eksistens ay laging partikular at indibidwal. Ang tao ay nabibigyang-kahulugan dahil siya ay nabubuhay. Hindi naniniwala ang Eksistensyalismo sa karamihan ng anyo ng idyelismo lalo na yaong nagbibigay-diin sa kamalayan, kaluluwa, katwiran at ideya.
b)            Ang eksistens ay nakatuon lamang sa problema ng eksostens mismo o ng isang pagiging nilalang. Ang tao ay hindi maikakahon at hindi mahihimay ang pagkatao upang maunawaan. Taliwas ito sa anumang porma ng obhetismo o siyentismo na nagbibigay-diin sa mga panlabas na katotohanan.
c)            Nagpapatuloy ang pagsusuring may iba’t ibang posibilidad. Maaaring ito ay hindi nakatali sa pangangailangan lamang sapagkat maraming maaaring posibilidad o mapagpilian ang tao kung paano siya mabubuhay.
d)            Dahil sa mga posibilidad na ito, ang buhay ng tao ay itinatakda ng kaniyang mga desisyon. At ang mga desisyong ito ay nakaaapekto sa relasyon ng tao sa ibang nilalang. Ang tao ay hindi nabubuhay ng mag-isa lamang.
Mula sa mga batayang ito, iba-iba at maaaring magkasalungat na direksyon ang tunguhin ng Eksistensyalismo. Maaari itong maging aetheistic o naniniwala sa Diyos o isang sagradong nilalang na nag-uugnay sa lahat ng nilikha. Maaari namang tumungo ito sa pagiging aetheistic kung iaangat sa pedestal ang walang hanggang kalayaan ng tao na hindi kailangan pa ng tulong ng anumang Diyos.

Dekonstruksyon
Si Derrida Jacques (1930), isang pilosopong Pranses, ang siyang pinagmulan ng pag-aaral ng dekonstruksyon. Ang pamamaraang ito ng pagbabasa ay isang paghamon sa kanluraning ideya na ang teksto ay hindi mababago at may nag-iisang kahulugan. Kinuwestyon ni Derrida ang umiiral na palagay lalo na sa kanluaraning kultura na ang pananalita ay isang malinaw at direktang pamamaraan ng pakikipagkomunikasyon.
Ayon kay Derrida, nagbibigay ng maraming maling pag-akala sa ibig sabihin ng teksto ang tradisyunal na pamamaraan ng pagbasa. Hindi raw maaaring tanggapin na lamang ang mga pananalita ng manunulat dahil pinararami nito ang lehitimong interpretasyon ng teksto.
Ang dekonstruksyon ay nagpapakita ng maraming layer ng kahulugan. Sa pagdedekonstrak na gawa ng isang iskolar, ipinakikita na ang lenggwahe ay madalas na pabagu-bago. Ito’y isang paraan ng pag-aanalisa ng teksto base sa ideya na ang mambabasa at hindi ang amnunulat, ang sentral sa pagbibigay rito ng kahulugan.

Feminismo
Ito ay pagsusuri ng panitikan at awtor mula sa punto de vista o pananaw ng isang feminista. Naniniwala ang mga feminista na ang panitikan ay hindi nyutral o  walang pagkikiling kundi ito’y isang produkto ng panlipunan at pangkulturang kalagayan. May pagkakataong malakas ang dating feministang pagsusuri dahil kailangang yugyugin ang mga kalakaran at malalim na paniniwala ng tao.
Ang Feminismong literaryong pag-aaral ay nakatuon kapwa sa mga kababaihan bilang mambabasa at sa mga kababaihan bilang manunulat.
Sa loob ng mahabang panahon, ang unang tradisyon sa pagsusuri ng panitikan ay ukol sa mga kababaihan bilang tagakonsumo ng mga ginawang literature ng mga kalalakihan. Kabilang sa unang tradisyon ng pag-aaral naman ay ang pagpansin sa kababaihan bilang manunulat. Ito ay ukol sa kababaihan bilang tagagawa ng teksto ng isang uri ng literature ng mga babae.
Sinusuri sa Feminismong kritisismo ang papel na ginagampanan ng mga babaeng karakter at ang mga temang ikinakabit sa kanila. Ipinakikita rito na ang karakter sa panitikan ay malinaw na pinagsama-samang konstruksyon, hindi lamang ng mga manunulat kundi maging kulturang kinabibilangan nila – para itaguyod ang dominanteng kalagayan ng mga lalaki sa lipunan at kultura.
Sa pagtakbo ng panahon at kasaysayan, marami ang namulat sa pangangailangang bigyang-pansin ng mga kababaihan kung hanggans saan ang partisipasyon nila sa mga institusyong panlipunan. Lumakas ang pagnanasang baguhin ang tradisyon na ang nakasulat na akda ng kalalakihan ay sapat na upang kumatawan din sa karanasan at mundo ng babae. Ito ay batayan sa pangangailangan ng pagbabago upang malayang mabuo ng babae ang kanyang sarili.

Naturalismo
Ito ang teoryang nag-uugnay ng siyentipikong pamamaraan sa pilosopiya sa pamamagitan ng paniniwalang lahat ng nilalang at pangyayari sa sangkalawakan ay natural at ang lahat ng nilalang at pangyayari sa sangkalawakan ay natural at ang lahat ng karunungan ay maaaring dumaan sa masusing pagsusuri. Hindi naniniwala ang mga naturalistiko sa mga bagay na super-natural.
Pinaniniwalaan sa Naturalismo na maaaring makilala at mapag-aralan ang kalikasan sapagkat mayroon itong regularidad, kaisahan at kabuuan batay sa likas na batas nito. Nakikita ito sa walang-katapusang paghahanap ng tao ng mga kongkretong katibayan at batayan para sa kanyang mga paniniwala at karanasan. Dahil dito, laging inihahambing ang Naturalismo sa ibang teorya tulad ng dualismo, monismo, ateyismo, teyismo at ideyalismo na sinasabing ilan lamang sa malawak na baryasyon ng pananaw ng Naturalismo.
Naging popular ang Naturalismo noong dekada 1930 at 1940 sa Estados Unidos dahil kina F.J.E. Woodbridge, Morris R. Cohen, John Dewey, Ernest Nagel at Sidney Hool.
Sa larangan ng panitikan, layon ng Naturalismo na ipakita nang walang paghuhusga ang isang bahagi ng buhay. May pagkakapareho ito sa Realismo, kaya tinawag din itong ekstensyon ng Realismo.

Realismo
Ang Realismo ay isang kilusang umusbong sa larangan ng sining noong siglo 1900. layon nitong ipakita ang karanasan ng tao at lipunan sa isang makatotohanang pamamaraan. Itinatakwil ng Realismo ang ideya ng paghuhulma at pananaw sa mga bagay.
Unang ginamit ang terminong Realismo noong 1826 ng Mercure francais du XIX siecle sa Pransya bilang paglalarawan sa doktrinang nakabatay sa makatotohanan at wastong paglalarawan ng lipunan at buhay. Nagkaisa ang mga realistikong Pranses sa pagtakwil sa pagiging artipisyal ng Klasismo at Romantisismo. Sinikap nilang ipakita ang buhay ng mga di-kagila-gilalas, ng mga mapagkumbaba at ng mga hindi nakikita. Sa proseso, inilabas ng Realismo ang mga di-pinapansin at kinakalimutang bahagi ng buhay at lipunan.
Naging masigla ang talakayin tungkol sa Realismo noong unang bahagi ng siglo 1900. Nakatulong dito ang kilusang anti- Romantisismo sa Alemanya kung saan mas nagtuon ng pansin ang sining sa pangkaraniwang tao. Idagdag pa rito ang patataguyod ni Auguste Comte (kilalang Ama ng Sosyolohiya) ng proditibistikong pilosopiya sa paglulunsad ng siyentipikong pag-aaral; ang pag-unlad ng propesyunal na journalism kung saan inuulat nang walang bahid ng emosyon o pagsusuri ang mga kaganapan at ang paglago ng industriya ng potograpiya.
May iba’t ibang pangkat ng pagsusuring Realismo sa panitikan.
May pagtitimping inilalahad ng Pinong (gentle) Realismo ang kadalisayan ng bagay-bagay at iwinawaksi nito ang anumang pagmamalabis at kahindik-hindik.
Ang Sentimental na Realismo ay may optimistiko at inilalagay ang pag-asa sa damdamin kaysa sa paglutas ng pang-araw-araw na suliranin.
Inilalarawan ng Sikolohikal na Realismo ang internal na buhay o motibo ng tao sa pagkilos.
Inilalarawan naman ng Kritikal na Realismo ang mga gawain ng isang lipunang burgis upang maipamalas ang mga aspektong may kapangitan at panlulupig nito.
Ginagabayan ang Sosyalistang Realismo ng Teoryang Marxismo sa paglalahad ng kalagayan ng lipunang maaaring mabago tungo sa pagtatayo ng lipunang pinamumunuan ng mga uring anak-pawis.
Pinagsasanib naman ng Mahiwagang (magicRealismo ang pantasya at katotohanan nang may kamalayan. Pinagsasama ng impluwesya ng mito at karunungang-bayan sa takbo ng kwento upang masalamin ang mga katotohanang nagaganap sa lipunan.
Marxismo
Ang Marxismo ay isang lipon ng mga doktrinang pinaunlad nina Karl Marx at Fredrich Engels noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo. Nagtataglay ito ng tatlong ideya; pilosopiya ng pagtingin sa tao, teorya ng kasaysayan at pampulitika’t pang-ekonomiyang programa. Sa pagdaan ng panahon, nagsanga-sanga ang pag-unawa sa mga konseptong ito tulad ng ipinakita nina Lenin at Stalin sa Russia, Mao Tse Tung sa Tsina, ng mga Sandinista sa Nicaragua at iba pang mga Marxista sa mga bansang itinuturing na Third World. Pati ang mga makabagong pag-aaral ay nanghiram din ng mga teorya mula sa Marxismo.
Nagagamit ang Marxistang pananaw sa pagsusuri sa kalagayang panlipunan, pag-uugali at motibasyon ng mga tauhan sa kwento. Bukod dito, binibigyang-pansin ng pananaw na ito ang mga umiiral na tunggalian: tauhan sa sarili niya, sa ibang tauhan, sa lipunan o sa kalikasan.
Kung iaangat pa ang magiging pagsusuri, maaaring umabot sa puntong masasagot ang tanong na: Para saan o kanino ang panitikang ito?
Minsan ay may nasabi si Mao Tse Tung tungkol sa paglalapat ng Marxismo sa panitikan:
Mga Marxista tayo at nagtuturo ang Marxismo na sa paglalapat natin sa isang problema, di nararapat tayong magsimula buhat sa mga mahihirap unawaing depinisyon kundi sa mga katotohanang walang pinapanigan, at sa pagsusuri sa mga katotohanang ito, matiyak natin ang ating patutunguhan, ang ating mga patakaran at pamaraan. Ito rin ang dapat nating gawin sa ating kasalukuyang diskusyon sa sining at panitikan.
Para kay Mao, may kaugnay na mga katanungan ang usapin ng panitikan:
a.)          Para kanino ang ating mga sining at panitikan? Sino ang pinaglilingkuran ng panitikan?
b.)          Sa anong paraan nagaganap ang paglilingkod na ito?



Pananaw Sosyolohikal
Ang lapit-sosyolohikal ay naaangkop sa tradisyon at prestihiyo ng dulaan sa Pilipinas. Sa pagkapit sa mga isyung panlipunan na pinapaksa ng mga dula at sa pagbabago ng konsepto ng entablado bilang tanghalan, mananatiling may lugar ang lapit-sosyolohikal sa panlasa at pakikibaka ng mamamayan.
Sa sosyolohikal na pananaw, mas malawak ang perspektib na pagsusuri ng isang akda. Hindi lamang ang kasiningan at naging katangian ng akda ang binubusisi, kundi pati na rin ang bahagi ng lipunan at kasaysayang pinagluwalan nito.
Sa ganitong lapit ay pinagtitibay ng pahayag ng likhang-sining at lipunan. Ang isang akda ay produkto ng malikhaing pag-iisip ng manunulat na nabubuhay sa isang panahon na may partikular na katangiang humubog sa kanyang pagkatao. Sa pagsusuring sosyolohikal, hindi sapat na suriin lamang ang akda kundi pati na rin ang lipunang kinabibilangan ng may-akda na siyang nagluwal ng akdang yaon. Ayon nga kay Tainer, isang manunulat na Pranses:
Ang panitikan ay bunga ng sandali, ng lahi at ng panahon at kapaligiran.
Sa isang pagsusuring Sosyolohikal, tinitingnan ang kalagayan at ugnayan ng mga panlipunang institusyon tulad ng pamahalaan, simbahan, pamilya, paaralan at iba pa sa pagtatakda ng sitwasyon at oportunidad para sa mga mamamayan nito.
Kung gagamitin ang pananaw na ito sa pagsusuri ng panitikan, mainam na mapag-aralan ang kasaysayan ng akda at ang panahon na kinabibilangan nito at ng awtor. Hindi lamang into internal na pagsusuri ng akda, kundi pati na rin ng mga eksternal na salik na nakaiimpluwensya rito.

Klasismo
Ang Klasismo ay paggamit ng estilo o estetikong prinsipyo ng mga Griyego o Romanong klasikong arte at literatura. Sa makabagong panahon, tumutukoy rin ito sa paggamit sa mga prinsipyo sa musika.
Ang pinakaimportanteng panahon ng Klasismo ay ang Renasimyento, noong laganap ang kilusan sa mga kanluraning kaisipan at malikhaing arte lalo na sa Inglatera at Pransya noong huling bahagi ng ika-17 siglo at unang bahagi ng ika-18 siglo, at noong huling bahagi ng ika-18 siglo at unang bahagi ng ika-19 na siglo. Ang terminong “neoklasismo” ay madalas na ginagamit sa pagtukoy sa pagbabalik ng klasismo.
Hindi kataka-takang sa lahat ng teoryang pampanitikan, ang klasismo ang naiiba at natatangi, ito’y dahil na rin sa sariling pananaw nito sa daigdig. Nagsimulang makilala at lumaganap sa Gresya bago pa aman isinilang si Kristo ang teoryang ito. Naging popular ang komedya at trahedya bilang dalawang pinakantanyag na uri ng dulang itinatanghal. Sa panahon ding ito umuusbong ang iba’t ibang disiplina gaya ng Kasaysayan, Pilosopiya, Tula at Retorika. Pagkaraan nito ay sumapit naman ang Gintong Panahon noong 80 B.C. Sa panahong ito ay kinilala ang panulaan bilang pinakamahalagang genre sa pagsulat at pagsusuri. Nakapaloob dito ang epiko, satiriko, gayundin ang mga tulang liriko at pastoral. Kasunod nito ay umusbong naman ang Panahon ng Pilak na nagpabago sa anyo ng panitikan nang panahong iyon. Ito’y dahil sa mabilis na paglaganap ng prosa at bagong komedya. Pumaimbulog din ang talambuhay, liham gramatika, pamumuna at panunuring pampanitikan.
Matipid sa paggamit ng wika ang mga klasista. Sila’y maingat sa pagsasalita at pagpapahayag ng damdamin. Para sa kanila ay hindi angkop ang paggamit ng mga salitang balbal. Hindi rin angkop ang labis na emosyon.
Anu-ano ba ang katangian ng mga akdang klasiko? Ang mga akdang klasiko ay nagtataglay ng sunud-sunod na mga katangian: pagkamalinaw, pagkamarangal, pagkapayak, pagkamatimpi, pagkaobhetibo, pagkasunud-sunod at pagkakaroon ng hangganan.
Klasikong maituturing ang “Florante at Laura” ni Francisco Balagtas dahil sa mga katangiang taglay ng paksa, nilalaman at paraan ng pagkakasulat na inilahad dito, ang awit at magagandang kaisipan, kabilang ang limang uri ng pag-ibig ng makata.

Pormalismo
Nagbibigay-pansin sa anyo ng literatura ang mga pormalista. Ang ganitong atensyon sa mga aspetong pormal ay hindi nangangahulugang hindi kinikilala ang posibilidad ng moral at panlipunang misyon para sa literatura.
Para sa mga pormalista, ang panulaan ay hindi panulaan dahil lamang gumagamit ito ng temang tumatalakay sa kondisyon ng tao, kung hindi dahil sa proseso ng wika. Kumukuha ito ng atensyon sa sarili nitong artipisyalidad, sa pamamaraan ng pagsabi nito ng gustong sabihin. Ayon nga kay Jakobson (1921), ang panulaan ay anyo ng wika na ang oryentasyon ay sa sarili nitong anyo o porma. Kung ano ang mensahe o tinutumbok ng wika ay sekundaryo na lamang.
Ang pinag-utangan ng teoryang ito ay masugid na tinalunton ng mga kilalang kritiko, kabilang ang isinulat ni Coleridge na itinuturing niyang “buhay” dahil sa kaisahang nakapaloob dito.
Matuklasan at maipaliwanag ang anyo ng akda ang tanging layunin ng pagsusuring pormalistiko. Walang pagtatangkang busisiin sa teoryang ito ang buhay ng may-akda. Hindi rin binibigyang-puwang ang kasaysayan at lalong hindi pagtutuunan ng pansin ang implikasyong sosyolohikal, politikal, sikolohikal at ekonomikal. Tanging ang pisikal na katangian ng akda ang pinakabuod na pagdulog na ito.
Ang tunguhin ng teoryang ito ay matukoy ang nilalaman, kaanyuan o kayarian at paraan ng pagkakasulat ng akda.
Ang teksto mismo ang pokus sa paggamit ng teoryang Pormalismo. Ang ibig sabihin, kailangang masuri ang tema o paksa ng akda, ang sensibilidad at pag-uugnayan ng mga salta, istrukturang wika, metapora, imahen at iba pang elemento ng akda. (RAB)

Walang mga komento:

Mag-post ng isang Komento